MANILA, Philippines – Nanawagan ang isang senador sa Kongreso na pabilisin ang pagsasabatas ng Philippine Natural Gas Act na tutugon sa seguridad ng bansa sa enerhiya at mapamura ang suplay.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na kailangan maisabatas ang panukalang Senate Bill No. 2793 na lilikha ng patakaran sa “Filipino first gas” na dapat pakinabangan muna ng bansa ang lahat ng namiminang enerhiya bago ibenta sa abroad.
Ipinahayag ni Cayetano sa interpelasyon kay Senador Sherwin Gatchalian nitong Setyembre 18, 2024 nang talakayin ang Senate Bill 2793, isang panukalang batas ni Senador Pia Cayetano, chair ng Senate Committee on Energy, na nakatuon ito sa suporta sa pagpapaunlad sa indigenous natural gas.
“Let’s make the Philippine Natural Gas Development Act the best bill possible hindi lang para hindi tayo magkamali, pero para y’ung direksyon natin bilang bansa ay mas mabilis tayong magkaroon ng security sa larangan ng energy,” ayon kay Cayetano.
Suportado ng senador ang nauna nang panawagan ni Senador Pia para sa maagap na paggamit ng lokal na likas na yaman sa energy security.
Binigyang diin ng mambabatas ang kahinaan ng bansa sa pagkuha ng suplay ng enerhiya, na naging malinaw sa ilang nagdaang global crisis.
“Tuwing magkaka-giyera at nakita rin natin noong COVID-19 pandemic na napaka-vulnerable natin hindi lang sa supply chain sa produkto pati na rin sa energy dahil nga y’ung oil, coal, and natural gas ay ini-import natin,” wika niya.
Aniya, ang paglikha ng sariling indigenous natural gas ay makakabawas sa pagdepende ng bansa sa imported liquefied natural gas at pabagu-bagong presyo nito.
“Iyon po ang ating hinihimay, kung paano i-promote na magkaroon pa tayo ng mas magandang supply sa natural gas,” wika niya.
Ayon kay Cayetano, kailangan ng agarang aksyon sa pag-develop ng sariling natural gas sources dahil ito ay mahabang proseso.
“I cannot really predict what’s going to happen in three years but unless there is technology that makes wind and solar sources capable of powering the whole country twenty-four-seven, and unless y’ung national grid natin ay maayos y’ung capability, I would assume that putting up a power plant would take the usual three to five years, and setting up a well for natural gas could take three to seven years,” wika niya.
“That’s how urgent this bill is,” dagdag niya.
Hinimok ni Cayetano ang gobyerno na aktibong suportahan ang mga layunin ng panukalang batas kasabay ng pag-unlad ng renewable energy technology.
“As technologies for solar and wind energy are still being developed, I believe this bill points us in the right direction for the transition,” wika niya.
“This is something that can really move us forward,” dagdag niya. Ernie Reyes