Home METRO Lolo kulong sa pambubugbog sa live-in partner na lola sa Malabon

Lolo kulong sa pambubugbog sa live-in partner na lola sa Malabon

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng 61-anyos na lolo nang bugbugin ang kalive-in na lola matapos komprontahin ng biktima makaraang mabuking na may panibagong chicka babes ang suspek sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Galit na inireklamo ni Lola “Tessie”, 65, sa opisyal ng barangay sa kanilang lugar sa Brgy. Tonsuya ang live-in partner na si Lolo “Emie”, tricycle driver, matapos siyang pagbuhatan ng kamay nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo dakong alas-12:30 ng hapon sa loob ng kanilang tirahan sa Damata, Letre Road nang mabisto niya na may bagong kasintahan ang kinakasama.

Sa imbestigasyon ni P/Ssg Mayett Simeon ng Women and Children Protection Desk (WCPD), ginagamit ni Lola Tessie ang kanyang cellular phone nang makita niya na binago ng kanyang live-in partner ang profile picture sa kanyang facebook account kung saan kasama pa sa larawan ang bagong chicka babes.

Dahil sa galit, kinompronta ni Lola Tessie ang kinakasama na naging dahilan ng kanilang mainitang pagtatalo.

Sa gitna ng komprontasyon, nagalit na si Lolo Emie at inupakan ang kinakasama na dahilan upang humingi na ng tulong ang biktima sa mga opisyal ng barangay na nagdala sa kanya sa Tondo Medical Center upang lapatan ng lunas ang mga tinamong pinsala sa katawan.

Dakong alas-10:30 ng gabi nang madakip nina Arnel Babas at Billy Ray Sindon, kapuwa barangay tanod ng Brgy. Tonsuya si Lolo Emie, matapos mabigyan ng medico legal certificate ng attending physician sa naturang pagamutan ang biktima.

Ayon sa pulisya, paglabag sa R.A. 9262 o Violence Against Women and Children ang inihain nilang kaso laban kay Lolo Emie sa Malabon City Prosecutor’s Office. (Boysan Buenaventura)