MANILA, Philippines- Binitbit sa selda ang 66-anyos na lolo matapos ireklamo ng 17-anyos na dalaga na kanyang binastos, napaulat kahapon ng madaling araw sa Malabon City.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, pauwi na sa kanilang tirahan sa Brgy. Catmon ang dalagita dakong alas-11:30 ng gabi ng Huwebes nang harangin siya ng kapitbahay na si alyas “Ricardo” sa Int. Sanciangco St. Brgy. Catmon at pilit na nagpapasama sa kanya pauwi ng bahay.
Hindi pinansin ng biktima ang lasing na kapitbahay subalit pilit pa rin siyang niyaya na samahan siyang pauwi sa kanilang bahay, sabay alok ng P1,000 sa dalagita na napatakbo na sa labis na pangamba.
Alas-2 ng madaling araw ng Biyernes nang lakas-loob na isumbong ng dalagita sa kanyang ina ang ginagawang panggigipit sa kanya ng kapitbahay kaya’t humingi na sila ng tulong sa mga opisyal ng barangay na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Binitbit ng mga barangay tanod ang amoy-alak pang si Ricardo sa Malabon Police Sub-Station-4 matapos siyang isailalim sa medical examination para sampahan ng kaukulang reklamo.
Ayon kay Col. Baybayan kasong paglabag sa Safe Spaces Act sa ilalim ng R.A. 11313 na kilala bilang “Bawal Bastos Law” in relation to R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, ang isasampa ng pulisa sa suspek dahil menor-de-edad ang kanyang biniktima. Merly Duero