Home NATIONWIDE Lolo, nasamsaman ng matataas na kalibre ng baril

Lolo, nasamsaman ng matataas na kalibre ng baril

NUEVA VIZCAYA – Bumagsak sa kamay ng alagad ng batas ang isang 76-anyos na lolo matapos masamsaman ng iba’t-ibang uri ng matataas na kalibre ng baril at bala sa Barangay Inaban, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang suspek na si alyas ‘Cledera’, biyudo, isang air gun repair at residente rin sa nabanggit na lugar.

Sa ipinarating na ulat ni PCol. Jectopher Haloc, Provincial Director ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO kay PBGen. Antonio Marallag, Regional Director ng Police Regional Office 02 o PR02 ay bunga ng matagumpay na isinagawang paghahalughog ng mga tauhan ng 2nd Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company sa tahanan ng suspek sa bisa ng isinilbing Search Warrant.

Kabilang sa mga nakumpiska ang 14 piraso ng Caliber 38 revolver; 8 pirasong Caliber 22 revolver; dalawang (2) caliber 32 revolver; isang piraso ng Caliber 22 rifle; tatlong (3) piraso ng barrel shotgun; isang piraso ng barrel ng Caliber 5.56 at isang barrel ng Cal. 30; apat (4) na pirasong M14 magazine, siyam (9) na pirasong bolt assembly; pitong (7) pirasong rifle scope; 20 pirasong bala ng M14; 51 pirasong bala ng M26; 39 pirasong bala ng Caliber 22 magnum; 161 pirasong bala ng Caliber 22; tig-apat (4) na bala ng Cal. 32 at Cal. 38 na baril at isang (1) piraso ng bala ng garand rifle.

Ngayong araw ng Biyernes, Nobyembre 29, 2024, sasampahan na sa piskalya ang suspek ng kasong may kinalaman sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Ang mga nakumpiskang armas ay ipinapaayos lamang ng mga may-ari sa suspek kung saan ilan sa mga ito ay gumagana na, habang ang iba ay nakatakda palang sanang ayusin.

Patuloy na inimbestigahan ng mga pulisya kaugnay sa mga nakumpiskang armas. REY VELASCO