Home METRO Lolo patay, 2 sugatan sa sunog sa Pasay

Lolo patay, 2 sugatan sa sunog sa Pasay

MANILA, Philippines – Patay ang isang 72-anyos na lolo habang dalawa naman ang naiulat na nasugatan sa sunog na tumupok sa pitong kabahayan, Biyernes ng hapon, Pebrero 9 sa Pasay City.

Kinilala ng Pasay Bureau of Fire Protection (BFP) ang namatay na biktima na si Ruben Yabut, 72, na na-trap at hindi na nakayanan pang makababa para makalabas ng bahay dahil sa naimbalido na ito sa sakit na stroke.

Sugatan naman ang dalawang biktima na nakilalang sina Wilmar Elizear, 65, na nagtamo 1st degree burn sa katawan at si Roderick Sandejas, 52, na nagtamo rin ng 3rd degree burn sa kaliwang daliri.

Base sa inisyal na ulat ng Pasay Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-2:25 ng hapon sa kuwartong inookupa ni Yabut sa ikalawang palapag na two-storey residential house na pag-aari ni Barangay 96 Chairman Marcelo Tayco na matatagpuan sa P. Zamora Street, Barangay 96, Pasay City.

Mabilis na kumalat ang apoy na umabot sa ikalawang alarma ang sunog dakong 2:27 ng hapon at naidineklara ang fire under control ng alas 3:38 ng hapon.

Apat na trak ng bumbero ang agad na rumesponde na siyang nakapag-apula ng apoy at idineklara ang fire out ng 4:31 ng hapon.

Nasa 30 pamilya ang naapektuhan o nawalan ng tirahan na idinulot ng sunog kung saan aabot sa P450,000 ang tinatayang halaga ng ari-ariang napinsala dito.

Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Pasay BFP upang madetermina ang naging sanhi at pinanggalingan ng naturang sunog. James I. Catapusan

Previous articleDirek Darryl, out na sa Vivamax!
Next articleSelebrasyon ng Chinese New Year sa Maynila, mapayapa!