Home METRO Lote sa Tondo inireserba ni PBBM para sa housing projects

Lote sa Tondo inireserba ni PBBM para sa housing projects

MANILA, Philippines – NAGPALABAS si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng proklamasyon para ipreserba ang bahagi ng lupa sa Tondo sa Lungsod ng Maynila para sa ‘ownership at development’ ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Sa katunayan, ipinalabas ng Pangulo ang Proclamation No. 610 noong Hunyo 21 bilang tugon na rin sa rekumendasyon ng Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Inamiyendahan nito ang Proclamation No. 96 (s. 2001) kung saan hindi isinama ang ilang bahagi ng lupa, tinukoy bilang Lot 4-A, Csd-00-003715, matatagpuan sa Tondo, Maynila, Pinahihintulutan ang DHSUD na ariin ito at magsagawa ng urban development na isasailalim sa pinal na ground survey.

Ang naturang proklamasyon ay nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, pinayagan ang Environment Secretary na magpalabas ng kaukulang Special Patent saklaw ang mga lugar na nireserba para sa ‘township development projects” ng DHSUD.

Dahil sa proklamasyon, lumikha ng Project Inter-Agency Committee (PIAC) kung saan ang DHSUD ang tatayong chairman, habang ang DENR at City Government of Manila ang mga miyembro.

Babalangkas naman ang PIAC at magpapalabas ng Implementing Rules and Regulations ng proclamasyon, tutukuyin ang mga benepisaryo ng bahagi ng pabahay ng ‘township development.’ Kris Jose