Home IN PHOTOS ‘Love Bus’ binuhay ng MMDA sa byaheng Robinsons patungong Eastwood

‘Love Bus’ binuhay ng MMDA sa byaheng Robinsons patungong Eastwood

249
0

MANILA, Philippines — Muling binuhay ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang iconic na “Love Bus” na mag-aalok ng libreng sakay mula Robinsons Galleria hanggang Eastwood City.

Ayon kay MMDA Chair Don Artes, inaasahang darating ang mga unit sa kalagitnaan ng Abril at posibleng ilunsad sa huling linggo ng Abril o unang linggo ng Mayo.

“Officially it will have regular travel operations,” ani Artes matapos ang paglagda ng memorandum of agreement sa mga partner na pribadong kumpanya sa tanggapan ng MMDA sa Pasig City.

Sampung Love Bus units ang ide-deploy sa ruta, na bawat isa ay may kapasidad na humigit-kumulang 30 pasahero.

Iikot ang mga bus sa isang loop route at inaasahang makakabiyahe ng lima hanggang anim na beses kada araw ang bawat unit.

Plano ng MMDA na patakbuhin ang Love Bus mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-9:00 o alas-10:00 ng gabi, depende sa dami ng pasahero.

Matatandaang inilunsad ang Love Bus sa Valenzuela City noong Setyembre ng nakaraang taon, habang unang dineploy ng Department of Transportation sa Cebu at Davao noong Agosto 2025.

Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabalik ng Love Bus sa kanyang State of the Nation Address.

Nakilala ang Love Bus noong dekada ’70 bilang kauna-unahang air-conditioned bus sa bansa at iniugnay noon sa proyekto ng dating First Lady Imelda Marcos. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here