MANILA, Philippines — Arestado ang apat na high-value targets at isang babae sa magkahiwalay na anti-drug at anti-smuggling operations sa Lanao del Sur, ayon sa pulisya.
Sa ulat ni Col. Caezar Cabuhat, direktor ng Lanao del Sur Police, nasakote ang apat na suspek sa buy-bust operation sa Barangay Poblacion, Saguiaran nitong Lunes.
Nasamsam mula sa kanila ang 388 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2,638,400.
Ayon kay Cabuhat, isa sa mga suspek ay kabilang na sa illegal drug personality list mula pa noong 2021. Narekober din ang sasakyang ginagamit umano sa transaksyon, buy-bust money, drug paraphernalia at mga cellphone.
Samantala, sa isang anti-crime checkpoint sa Barangay Daguan, Kapatagan, nadakip ang isang babae matapos madiskubre ang mga kahon ng smuggled cigarettes sa compartment ng bus na bumiyahe mula Marawi patungong Cotabato City.
Inamin umano ng suspek na siya ang may-ari ng kontrabando na tinatayang nagkakahalaga ng P126,640.
Sinampahan siya ng kaso sa paglabag sa R.A. 10643 o Graphic Health Warning Law at R.A. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
Isinuko na sa Bureau of Customs ang mga nakumpiskang sigarilyo para sa tamang disposisyon. RNT/JGC