Home NATIONWIDE Love, crypto scam hub ni-raid sa Pasay; 650 empleyado pinigil

Love, crypto scam hub ni-raid sa Pasay; 650 empleyado pinigil

MANILA, Philippines – Umabot sa 650 na empleyado ang nakubkob sa isinagawang raid sa cyberscam hub sa Pasay City Martes ng gabi ng pinagsanib na pwersa ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.

Sa naturang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Department of Justice Inter-Agency Council Against Trafficking ( DOJ-IACAT), National Bureau of Investigation Anti-Human Trafficking Division ( NBI- AHTRAD), PNP Women’s and Children Protection Center ( PNP- WCPC) at Presidential Anti-Organized Crime Commission ( PAOCC) sa isang nagpapanggap na POGO pero Cyberscam hub sa Lunsod ng Pasay, 186 ang foreign nationals samantalang 464 ang mga Filipino.

Isinagawa ang operasyon makaraang makatanggap ng sumbong ang mga operatiba na may nagaganap na Cyberscam operation sa Rivendell Gaming Corporation sa SKK Building sa P. Zamora St., sa Lunsod ng Pasay.

Nagsagawa muna ng surveillance operation ang grupo ng mga operatiba bago isinunod ang rescue operation.

Lumalabas na ang illegal operation ng naturang POGO Hub ay ang love scam at crypto currency na madalas na binibiktima ay mga dayuhan.

Pinalilitaw umano ng kumpanya na ang legal na operasyon ng naturang hub ay ang online gaming.

Subalit sa limang palapag ng naturang gusali ay illegal Cyber scam operation na love scam at crypto currency scam ang ginagawa ng mga empleyado.

Sa bisa ng walong warrant to search, seize at to examine computer data na ipinalabas ni Hon. Judge Maria Victoria Soriano -Villadolid ng Branch 24 ng Manila RTC, pinasok ng grupo ang naturang gusali.

Ang naturang kumpanya ngayon ay mahaharap sa patung-patong na kaso kabilang ang paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. Dave Baluyot