Home NATIONWIDE Bong Go, nakiisa sa ika-48 taon ng Universal Guardians Brotherhood

Bong Go, nakiisa sa ika-48 taon ng Universal Guardians Brotherhood

MANILA, Philippines – Nakiisa si Senator Christopher “Bong” Go sa libu-libong miyembro ng Universal Guardians Brotherhood (UGB) na nagdiwang ng ika-48 taon ng pagkakatatag nito noong Sabado sa Marikina Sports Center.

Itinatag noong 1976, ang UGB ay isang socio-civic service fraternity na nakatuon sa serbisyo. Itinataguyod nito ang mga prinsipyo ng brotherhood, unity, solidarity, at oneness.

Ang pagdiriwang ay isang makabuluhang plataporma para sa Guardians na pagnilayan ang kanilang mga nagawa at palakasin ang kanilang pangako sa kapakanan ng lipunan.
Humatak ito ng maraming dumalo mula sa iba’t ibang rehiyon.

Sinimulan ni Go ang kanyang talumpati sa pamamagitan ng pagkilala sa presensya at suporta ng mga taong naging mahalaga sa kanyang paglalakbay, hindi lamang bilang isang lingkod-bayan kundi bilang isang Pilipino na nakatuon sa kanyang pinagmulan at sa kanyang bansa.

“Hindi n’yo po ako maririnig na mangangako na kayang gawin ito o kayang gawin ‘yan. Hindi po ako gano’n. Magtatrabaho lang po ako para sa kabutihan ng aking kapwa Pilipino,” sabi ni Go.

Binigyang-diin ng senador ang mahalagang papel ng mga organisasyon tulad ng Guardians sa pagpapaunlad ng pagdadamayan at serbisyo sa mga komunidad na nangangailangan ng suporta.

Ayon kay Go, napakahalaga ng pagkakaisa at pagtutulungan at pinuri niya ang mga makabuluhang kontribusyon ng Guardians sa pag-unlad ng lipunan.

“As we continue to confront challenges, may our strong bond persist. Rest assured that you will have my full support at every step. I am ready and wholeheartedly committed to the causes that will uplift our communities and our entire country,” anang senador.

Ipinaabot ni Go ang kanyang pasasalamat sa mga lokal na opisyal at miyembro ng UGB na gumanap ng mahalagang papel sa tagumpay ng 48th Founding Anniversary nito.

Kinilala niya ang presensya ng kapwa senador na si Francis “Tol” Tolentino, gayundin si Senator Ramon Revilla Jr., na kinatawan ni Congresswoman Lani Mercado Revilla.

Pinuri ni Go si Melvin “UGMF Isaac” Contapay, ang Universal President, kasama ang lahat ng Apex Officers at Council Members ng Universal Guardians Brotherhood.

Pinasalamatan din niya ang mga dedikadong opisyal ng Central Confederations, Cluster Commands, Legions, Pillars, at Branches of the Guardians Brotherhood, na ang pagtutulungan at pagsasama-sama aniya sa iisang layunin ay lubos na nakatutulong sa kapakanan ng komunidad at sa misyon ng organisasyon. RNT