Home METRO SUV, trak nagsalpukan; 2 todas

SUV, trak nagsalpukan; 2 todas

CAUAYAN CITY, Isabela- Patay ang dalawang indibidwal habang dalawa pa ang sugatan sa isang vehicular accident na kinasangkutan ng isang Sports Utility Vehicle at isang delivery truck sa national highway sa Barangay Nungnungan 2 sa lungsod na ito nitong Biyernes.

Kinilala ni Police Staff Sgt. Manuel Angoluan Jr., case investigator, ang mga nasawi na sina Nicky Miguel Pardo, ng Barangay District 3, Cauayan City, at Kenneth Sigua, ng Enrile, Cagayan, SUV passengers.

Lumihis umano ang SUV ng lane at bumangga sa delivery truck na minamaneho ni Rodolfo Guado, 58, ng Barangay Villa Luna, Cauayan City. Patuloy ang pag-andar ng SUV hanggang sa dumiretso ito sa palayan.

Sugatan naman sina Arnel Labadia, SUV driver, at Manny Alfaro, isa pang pasahero ng SUV.

Dinala sila ng rescuers sa isang ospital kung saan binawian ng buhay sina Pardo at Sigua.

Nasa maayos na kondisyon na sina Labadia at Alfaro, base kay Angoluan, habang si Guado ay nasa kustodiya na ng mga pulis. RNT/SA