MANILA, Philippines – Binalaan ng Deparment of Health (DOH) ang publiko na ang mahabang pagkakalantad sa mapanganib na lebel ng init ay nakamamatay.
Ang babala ng DOH ay sa gitna ng tumitinding init ng panahon na naging karaniwan kamakailan.
Mula Enero 1 hanggang Abril 29, nakapagtala ang DOH ng 77 kaso ng heat-related illnesses base sa pinakahuling datos.
Ayon sa DOH, 67 sa 77 mga kaso ay nasa edad sa pagitan ng 12 hanggang 21 o age group ng mga mag-aaral.
Sa kabuuan, pito ang iniulat na namatay ngunit nilinaw ng DOH na hindi pa tiyak kung ang mga ito ay sanhi ng heat stroke dahil sa hindi sapat na datos.
Ang mga pagkamatay ay maaaring sanhi ng sakit na nauugnay sa init , kabilang ang heatstroke o “heat-influenced” tulad ng mga taong may sakit sa puso na pinalalala ng mainit na kapaligiran, na nagreresulta sa mataas na presyon ng dugo.
“Prolonged heat exposure increases the probability of heatstroke, a serious conditoterized by loss of consciousness, confusion, or seizures, which can be deadly if left untreated,” ayon pa sa DOH.
Sa ngayon, naitala ang pinakamataas na heat index sa 53ºC sa Iba, Zambales, noong Abril 28.
Habang ang pinakamataas na heat index sa Metro Manila ay naitala sa 46ºC sa Pasay City noong Abril 24. Jocelyn Tabangcura-Domenden