Home METRO 2 rider patay sa road crashes sa Cebu

2 rider patay sa road crashes sa Cebu

MANILA, Philippines – Patay ang dalawang motorcycle rider sa magkahiwalay na aksidente sa Cebu nitong Lunes, Mayo 6.

Ang unang aksidente ay nangyari sa Liloan, northern Cebu kung saan sumalpok sa nakaparadang sports utility vehicle (SUV) ang rider pasado alas-12 ng hatinggabi.

Kinilala ang biktima na si Deney Agabe Carado, na agad dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Sa insiyal na imbestigasyon, lumabas na pauwi na si Carado sa kanyang tirahan sa Mandaue City at binabagtas ang southbound lane ng highway.

Kalaunan ay sumalpok ang kanyang motorsiklo sa nakaparadang Mitsubishi Montero.

Nagdulot ng matinding pinsala kay Carado ang aksidente.

Matapos ang naunang aksidente, patay naman ang isa pang rider sa Barangay Jagobiao, Mandaue City.

Sangkot dito ang isang motorsiklo at pampasaherong bus na may sakay na 44 pasahero.

Ayon sa Traffic Enforcement Unit (TEU) ng Mandaue City Police, sinubukang magpreno ng drayber na si Rodney Juanillo habang binabagtas ang southbound lane ng highway.

Dahil sa madulas ang kalsada matapos ang malakas na ulan, sinakop ng bus ang kabilang lane at nakabanggaan ang paparating na motorsiklong minamaneho ni Mark Anthony Sumatra Mabayo.

Pauwi na sana si Mabayo. Nagtamo ang biktima ng matinding pinsala sa katawan ngunit namatay din habang dinadala sa ospital.

Ligtas naman ang lahat ng sakay ng bus kabilang ang drayber. RNT/JGC