MANILA, Philippines – Solido ang suporta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Pangulong Ferdinand Marcos at sa administrasyon sa gitna ng mga nangyayaring korapsyon sa gobyerno at pagsasalita na rin ng ilang sundalo bilang pagsuporta kay Retired Marine Sergeant Orly Regala Guteza.
Si Guteza ay itinuturing na bahagi ng mas malaking whistleblower group na ‘kumanta’ ng kanyang nalalaman sa pagdinig ng Senate Blur Ribbon Committee nito lamang Setyembre 25, 2025 hinggil sa kontrobersiyal at maanomalyang flood control mess.
“May tiwala po ang ating Panguo sa ating mga kasundaluhan na sila po ay mananatiling matatag at ang kanila lamang ipasusunod [susundin] ay kung ano po ang sinasabi ng Konstitusyon. At lahat naman po tayo, hindi lamang po ang kasundaluhan, ang galit sa korapsyon. So, atin pong igagalang ang kanilang mga mensahe dahil hindi po lahat ng tao ay gugustuhin na manakawan ang pondo ng bayan,” ayon kay Castro na kulang na lamang ay sabihin na hindi na kailangan na magsagawa pa ng loyalty check sa hanay ng mga sundalo at kapulisan.
Ayaw namang patulan ni Castro ang ulat na may mga intel reports na may mga kumikilos na sa AFP para mag-withdraw ng suporta sa Pangulo
“Nadinig na po natin si AFP Chief General Romeo Brawner. Sinabi po niya na mananatili silang matatag at hindi po sila sasali sa ganitong klaseng gulo, at ang ipapatupad lamang po nila ay kung ano ang nasa Konstitusyon,” aniya pa rin. (KRIS JOSE)