MANILA, Philippines – Magsisimula na ang LRT-1 Cavite Extension Phase 1 ng commercial operations ngayong Nobyembre, ayon sa Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes.
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na bubuksan ang bagong LRT-1 segment sa mga susunod na linggo.
“Umaasa tayo na ang pagbubukas ng extension ng LRT-1 na ito ay makatutulong sa pagpapagaan ng trapiko dahil ito ay makakasuporta sa libu-libong pasahero. This will be our early Christmas gift to the residents of the area,” ani Bautista.
Sa pagbubukas ng Phase 1, humigit-kumulang anim na kilometro ang madadagdag sa transit line, na magdudugtong sa Baclaran Station sa Pasay City hanggang sa Dr. Santos (dating Sucat) Station sa Parañaque City.
Ang bagong segment ay magtatampok ng limang bagong istasyon sa ilalim ng Phase 1 kabilang ang Redemptorist – Aseana Station, MIA Road Station, PITX Station, Ninoy Aquino Avenue Station, at Dr. Santos Station.
Dahil dito, ang oras ng paglalakbay mula Quezon City hanggang Paranaque City ay mababawasan na ng isang oras, sinabi ng presidente at chief executive officer ng Light Rail Manila Corp. na si Enrico Benipayo.
Kapag ang Phase 1 ay operational, ang pinalawig na LRT-1 ay inaasahang magdaragdag ng humigit-kumulang 80,000 pasahero araw-araw sa unang taon ng operasyon.
Ang average na sakay ng LRT-1 ngayon ay humigit-kumulang 320,000 araw-araw.
Ang ikalawang yugto ng LRT 1 Cavite extension ay binubuo ng Las Piñas station at Zapote station habang ang ikatlo at huling yugto ay ang Niog station. RNT