Home HOME BANNER STORY LTFRB, MMDA: Transport strike wa-epek!

LTFRB, MMDA: Transport strike wa-epek!

MANILA, Philippines – Sinabi ng mga ahensya ng gobyerno na ang pampublikong transportasyon sa Metro Manila at iba pang lugar ay hindi naparalisado sa unang araw ng transport strike.

Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRCB) chairman Teofilo Guadiz III na normal ang daloy ng mga pasaherong papunta sa kanilang mga pinagtatrabahuan at pauwi dahil may sapat na public utility vehicles (PUVs).

Sinabi din ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Don Artes na nasa 400 sasakyan ang naka-standby sa hindi bababa sa siyam na lugar kung saan inaasahan nila ang kakulangan ng sasakyan ngunit sinabing lahat ng mga ito ay hindi nagamit.

Aniya, sa umaga pa lang ay hindi na kailangang mag-deploy ng mga sasakyan ng gobyerno para sa libreng sakay.

Ibinunyag din ni Artes na maging ang ilan sa mga miyembro ng nagwewelga na Piston at Manibela ay nagpasya na dumaan muna sa kanilang mga ruta sa umaga bago sila sumali sa kilos protesta.

Ito aniya ay patunay na ang mga jeepney driver ang nagdurusa sa transport strike.

Sa panig ng Philippine National Police (PNP), sinabi ng tagapagsalita nitong si Col. Jean Fajardo na walang naiulat na hindi kanais-nais na insidente sa alinmang bahagi ng bansa sa unang araw ng transport strike.

Ipinoprotesta ng Piston at Manibela ang pagpapatupad ng PUV Modernization Program, na anila, ay anti-poor dahil aalisin nito ang mga tradisyunal na jeepney at papalitan ng mga mamahaling modernong jeepney.

Anila, ang mga jeepney driver at operator ay mapipilitang mag-avail ng mga modernong jeepney na may mahal na buwanang amortization.

Hinihimok din ng dalawang grupo ang gobyerno na ibalik ang prangkisa sa mga tradisyunal na jeepney at iwasang pilitin ang mga operator na sumali sa isang kooperatiba o korporasyon sa gitna ng nalalapit na deadline ng konsolidasyon sa Abril 30. Santi Celario