MANILA, Philippines — Paalala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga driver at operator ng PUV na ang 20-porsiyentong student fare discount ay epektibo kahit sa holidays at oras ng class suspensions.
“Ang batas ay malinaw. Dapat may discount [para sa] mga estudyante kahit sa holidays basta sila ay naka-enroll pa rin sa paaralan,” ayon kay LTFRB Chair Vigor Mendoza II, na tumukoy sa Section 4 ng Republic Act 11314.
Maaaring multahin ng P1,000 at suspindihin ng tatlong buwan ang lisensya ng mga driver na lalabag sa batas.
Ang mga operator naman ay puwedeng ma-revoke ang franchise at magbayad ng hanggang P15,000.
Hinihikayat ni Mendoza ang mga estudyante, senior citizens, at PWD na mag-report kung may hindi nagbibigay ng discount.
“Ang kailangan lang ay maayos na dokumentasyon at kami na ang bahala sa susunod na hakbang,” dagdag niya. Santi Celario