Home METRO LTO: Angkas motorcade na nakaabala sa daloy ng trapiko sa Rizal imbestigahan!

LTO: Angkas motorcade na nakaabala sa daloy ng trapiko sa Rizal imbestigahan!

MANILA, Philippines – Inatasan ni Land Transportation Office chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang Law Enforcement Service (LES) ng ahensiya na imbestigahan ang viral video ng isang grupo ng motorcycle riders ng Angkas na humarang sa daloy ng trapiko sa Rizal.

Ayon kay Asec. Mendoza, nais iyang malaman kung may pahintulot mula sa anumang lokal na pamahalaan ang motorcade na nagdulot ng malaking abala sa libu-libong motorista at pasahero.

“Na-identify na namin ang grupong sangkot at nais naming silang magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat pagmultahin o kasuhan sa pagharang sa daloy ng trapiko,” wika ni Asec. Mendoza.

“Ang nangyari dito ay parang sila-sila lang ang nagplano at nagsagawa ng motorcade, pero damay-damay na pati LTO sa galit ng ating mga kababayan na naperwisyo,” dagdag pa niya.

Sa viral video, makikitang hinarang ng mga rider ang mga motorista sa isang intersection sa Cainta, Rizal para padaanin ang ilang kasamahan nilang rider.

Napaulat na humingi na ng paumanhin ang Chief Executive Officer ng Angkas na si George Royeca, ngunit nais ni Asec. Mendoza na ipagpatuloy ang imbestigasyon upang maiwasang maulit pa ang insidente.

Nais din ni Asec. Mendoza na tukuyin ang mga rider na humarang sa kalsada at personal na pagpaliwanagin kung bakit hindi sila dapat parusahan sa kanilang ginawa.

“Hindi puwede na parang may kanya-kanya tayong gobyerno na gagawin natin kung ano ang gusto natin at ang kapinsalaan ng mga motorista at mga pasahero. Kailangan ko ng paliwanag dito at kung kailangan silang patawan ng matinding parusa,” sabi pa ni Asec. Mendoza. RNT