MANILA, Philippines — Pinagsusumite ng paliwanag ng Land Transportation Office (LTO) ang driver at registered owner ng kotseng umano’y nakaharang sa fire truck na rumeresponde sa sunog sa Barangay Bangkal, Makati City.
Nag-viral ang video ng insidente sa Macabulos Street nitong Sabado, Setyembre 12, kung saan makikitang nahirapang makadaan ang fire truck dahil sa mga sasakyang nakaparada sa makitid na kalsada. Nasagi ng fire truck ang isang black sedan habang pilit itong dumaraan.
Naglabas ang LTO nitong Linggo ng show-cause order laban sa driver at registered owner dahil sa umano’y parking in a prohibited place at obstruction of traffic.
Pinagpapaliwanag sila sa LTO Intelligence and Investigation Division sa Setyembre 18 at inatasang magsumite ng sworn statements at kaugnay na dokumento.
Isinailalim din sa 90-day preventive suspension ang lisensiya ng driver habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, habang inilagay naman sa alarm status ang sasakyan. Santi Celario