Home METRO LTO nag-isyu ng SCO vs mga operator ng 2 jeep na sangkot...

LTO nag-isyu ng SCO vs mga operator ng 2 jeep na sangkot sa road rage sa Caloocan

MANILA, Philippines-Sinabi ng  Land Transportation Office (LTO) nitong Biyernes, Setyembre 27, na naglabas ito ng Show Cause Order (SCO) laban sa mga rehistradong may-ari ng dalawang pampasaherong jeep na ang mga drayber ay sangkot sa banggaan at gitgitan na tila dulot ng road rage sa Caloocan.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, inatasan din ang mga rehistradong may-ari ng dalawang pampasaherong jeep na tukuyin ang mga drayber ng kanilang mga sasakyan para sa hiwalay na imbestigasyon kung ang kanilang lisensya ay masususpinde o babawiin.

“Lubhang delikado ang ginawang dalawang driver na ito dahil kitang-kita sa video na nag-viral sa social media na may mga pasahero sila nung mangyari ang insidente,” ani Assec Mendoza.

“Hindi natin palalampasin ang mga ganitong klaseng asal lalo na ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan dahil hindi lang ang buhay nila ang nilalagay nila sa alanganin kung hindi pati na rin ang kanilang mga pasahero,” dagdag niya.

Ayon sa LTO, ang viral na post sa social media ay ini-upload ng isang netizen na nakasaksi sa insidente sa Barangay Bagong Silang na kinasasangkutan ng mga pampasaherong jeep na may mga plakang TVS-273 at TVN-720.

Sa video, makikita ang drayber ng isang pampasaherong jeep na sinadyang banggain ang likurang bahagi ng isa pang pampasaherong jeep. Dahil sa insidente, napilitan ang mga pasahero na bumaba sa mga sasakyan.

Makikita rin sa video na parehong mga sasakyan ang humarang sa malayang pagdaan ng iba pang mga motorista.

Sa SCO na nilagdaan ni Renante Militante, hepe ng LTO-Intelligence and Investigation Division, ipinatawag ang mga rehistradong may-ari ng dalawang jeep na humarap sa LTO Central Office sa Quezon City sa October 1 at magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi sila dapat parusahan sa pagkuha ng reckless driver.

Inatasan din ni Militante ang mga rehistradong may-ari na ipasumite ang kani-kanilang tsuper ng hiwalay na paliwanag para sa tatlong kaso—Reckless Driving (Seksyon 48 ng R.A. 41236), Obstruction of Traffic (Seksyon 54 ng RA 4136) at Improper Person to Operate a Motor Vehicle kaugnay sa insidenteng nabanggit ayon sa Seksyon 27(a) ng R.A. 4136.

“Meanwhile, please be informed that the Plate Nos. TVS-273 and TVN-720 will be temporarily placed under ALARM, preventing any and all transactions while the case is under investigation,” ayon sa SCO. Santi Celario