BACOLOD CITY- Patay ang isang 21-anyos na mangingisda sa umano’y tama ng kidlat sa karagatan sa Purok Maguey, Barangay Tibsoc, San Enrique, Negros Occidental nitong Martes ng hapon.
Kinilala ng mga pulis ang biktimang si Mico Gemino ng Barangay Tibsoc.
Sinabi ni Police Major Leo Estopa, San Enrique police chief, katatapos lamang umanong mangisda ng biktima at ng kanyang ama nang magkaroon ng thunderstorm kasunod ng malakas na pag-ulan.
Napinsala ng kidlat ang kanilang pump boat subalit ligtas ang 48-anyos na ama ng biktima.
Idineklarang patay si Gemino sa ospital at iniulat lamang sa mga pulis ang insidente nitong Miyerkules. RNT/SA