Home NATIONWIDE LTO nagbabala sa mga pekeng traffic violation na ipinadadala via text message

LTO nagbabala sa mga pekeng traffic violation na ipinadadala via text message

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Land Transportation Office (LTO) laban sa mga pekeng text message na nagsasabing ang isang tao ay may traffic violation.

“Hindi po nagse-send ng notice of violation ang inyong LTO. Ang ganitong sistema ay matagal ng hindi gumagana kaya anumang message na matatanggap ninyo ay tiyak na galing sa scammers,” pahayag ni LTO Chief Vigor Mendoza II nitong Biyernes, Mayo 3.

Ang ibang mga text message ay nagsasabi na dapat magbayad ang user ng multa sa umano’y traffic violation, o kaya ay pangingikil ng pera sa kanilang mga biktima.

Mayroong link ang naturang text message na magdadala sa pekeng website ng LTO, na hihingi rin ng mga personal na impormasyon ng mga biktima.

Ani Mendoza, hindi dapat makipag-ugnayan ang mga user sa mga mensaheng ito. Sa halip ay dapat itong isumbong sa LTO.

Idinagdag pa ng LTO na iimbestigahan na rin ng ahensya ang mga insidente katuwang ang Philippine National Police.

“Pinapayuhan namin ang ating mga kababayan na huwag itong pansinin at i-report kaagad sa kinauukulan para sa karampatang aksyon. On the part of the LTO, we are coordinating with our partners and other concerned government agencies to run after these people and protect the public,” dagdag ni Mendoza. RNT/JGC