MANILA, Philippines- Nagbabala ang Land Transportation Office (LTO) nitong Biyernes sa publiko laban sa scammers na nagpapanggap na tauhan nito.
Sinabi ng LTO na mayrong scam kung saan nakatatanggap ang ilang users ng text messages na sinasabing mayroon silang traffic violation, na may nakasaad na link ng umano’y LTO website.
Subalit, nilinaw ng LTO na hindi ito nagpapadala ng notification sa mga motorista hinggil sa traffic violations sa pamamagitan ng text, at kapag binuksan ang link ay pekeng Land Transportation Management System (LTMS) Portal ang lalabas.
Ayon sa LTO, hindi dapat buksan ang nasabing link dahil sasabihin umano sa users na mayroon silang traffic violations, kahit na ang ilagay na plate number ay tama o mali.
Hinikayat ng ahensya ang publiko na iulat ang scam text messages sa numerong: 0929 292 0865. RNT/SA