MANILA, Philippines – Nagbigay ng palugit ang Land Transportation Office (LTO) para sa mga drayber at motorista, kung saan maaari nilang i-renew ang kanilang lisensya at rehistro ng sasakyan nang walang multa sa loob ng tatlong buwan, ayon sa Department of Transportation (DOTr) noong Sabado.
Sa isang news forum sa Quezon City, sinabi ni acting Transportation Secretary Giovani Lopez na iniutos ng DOTr ang pagpapatupad ng moratorium para sa mga driver’s license, kabilang ang student at conductor permits, pati na rin ang mga rehistro ng sasakyan na mag-e-expire ngayong buwan. Bahagi ito ng mga hakbang ng gobyerno para sa relief measures.
“We gave an instruction sa LTO to basically give a moratorium… for the next three months. Pwede sila mag-rehistro, kumuha ng lisensya without any penalties,” aniya.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang magpatupad ng mga transport relief measures. Layunin nito na maibsan ang pasanin ng mga public utility drivers, operators, at commuters sa gitna ng mga aberya na dulot ng krisis sa Middle East. RNT/MND