Home NATIONWIDE Philippine Schools Overseas kasama sa mga reporma sa edukasyon sa 2026 –...

Philippine Schools Overseas kasama sa mga reporma sa edukasyon sa 2026 – DepEd

87
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara na kasama ang Philippine Schools Overseas (PSOs) sa ipatutupad na mga reporma sa edukasyon na magsisimula sa School Year 2026–2027, habang inaayon ng Department of Education (DepEd) ang mga patakaran nito sa bagong pambansang sistema ngunit may kalayaang umangkop sa kondisyon ng bansang kinalalagyan ng mga paaralan.

Sa isang virtual session na “Online Kumustahan,” tinalakay ng DepEd at mga kinatawan ng 35 PSOs ang mga pangunahing reporma tulad ng paglipat sa three-term school calendar, bagong guidelines sa assessment at grading, at ang pinalakas na Senior High School (SHS) program.

“Following the marching orders of President Bongbong Marcos, we are committed to ensuring that our global learners are not left behind as we transform our curriculum to be more responsive and future-ready,” ani Angara.

Idinagdag ng DepEd na nagsasagawa sila ng nationwide orientations para gabayan ang mga opisyal, principal, at guro sa implementasyon ng mga pagbabago.

Kasunod ito ng naunang virtual meeting noong Abril 7 kung saan tiniyak din ang suporta sa mga guro at estudyante sa ibang bansa, lalo na sa Middle East, sa gitna ng mga umiiral na tensyon sa rehiyon.

Ayon sa DepEd, may mahigit 25,000 estudyante sa PSOs sa 10 bansa, at layunin ng mga reporma na gawing mas episyente ang klase, bawasan ang aberya, at mapagaan ang trabaho ng mga guro.

Ipinaliwanag din ng mga opisyal na ang three-term school calendar ay mandatory sa buong bansa, ngunit bibigyan ng transition period at flexibility ang PSOs para umangkop sa kanilang host countries.

Giit ng DepEd, mahalaga ang pag-aayon ng PSOs sa pambansang standards upang masigurong makakabalik at makaka-adjust nang maayos ang mga Pilipinong estudyante sa Pilipinas. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here