MANILA, Philippines – Ayon kay Senate Pro Tempore at blue ribbon committee chair Panfilo “Ping” Lacson, kailangan na lamang ng tatlong pirma para maisumite sa plenaryo ang partial report ng imbestigasyon sa flood control, ngunit may isang senador na umano’y pinakiusapan ng kapwa mambabatas na huwag pumirma rito.
Sinabi ni Lacson na ang impormasyon ay mula kay Senate President Vicente Sotto III, na tumutulong umano sa pagkuha ng dagdag na suporta para sa report.
“May nakausap siyang isa at tinanong niya dahil malapit sa amin. Ang pagkasabi sa kanya, pasensya na kasi napakiusapan ako ng isa sa minority ngayon na dati naming kasama sa majority,” ani Lacson.
Nilinaw niya na ang senador na humiling ay mula sa minority bloc, ngunit hindi niya pinangalanan ang mga sangkot.
Kabilang sa minority bloc ang ilang senador tulad nina Alan Peter Cayetano, Francis Escudero, Imee Marcos, Ronald Dela Rosa, Bong Go, Joel Villanueva, Robin Padilla, Rodante Marcoleta, at Jinggoy Estrada.
Ayon sa ulat, nakapirma na sa report sina Sotto, Lacson, vice chair Erwin Tulfo, at mga senador Bam Aquino, Kiko Pangilinan, at Risa Hontiveros. Pinayagan din si Sotto na pumirma bilang Senate President kahit hindi siya miyembro ng panel.
Aminado si Lacson na may “disappointment” siya sa nangyari, ngunit nauunawaan niya ang sitwasyon ng mga kasamahan niya.
“May disappointment pero mas nananaig yung naiintindihan ko yung situation nila kasi tao lang naman tayo. Laging may human factor…” aniya.
Dagdag pa niya, maaaring mabago ang isip ng ibang senador lalo na matapos maaresto si dating mambabatas Zaldy Co sa Prague, na maaaring magpabigat ng desisyon kung hahanapin ang katotohanan sa isyu.
Giit ni Lacson, mahalaga ang pagpirma ng report para maipasa ito sa plenaryo, kung saan maaari pa rin itong amyendahan o busisiin ng mga senador.
Sinuspinde muna ang imbestigasyon sa flood control hanggang maisumite ang partial report sa plenaryo. RNT/MND