MANILA, Philippines – Sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na nagpalabas na ito ng show cause order laban sa driver ng luxury sport utility vehicle (SUV) na sangkot sa viral traffic altercation sa Quezon City.
Kinumpirma ngayon ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao na ang kautusan ay inilabas noong Oktubre 11, na nag-uutos sa driver na ipaliwanag ang mga pangyayari sa paligid ng insidente na umani ng malawakang atensyon ng publiko online.
Kaugnay nito inatasan ni Asec. Lacanilao si Renante G. Melitante, Hepe ng LTO Intelligence and Investigation Division, na simulan ang pagpapalabas ng kautusan at magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga posibleng paglabag sa batas trapiko at pagpaparehistro ng sasakyan.
Nabatid na ang sasakyang pinag-uusapan, isang Lexus LX570, ay nakitang gumagamit ng mga blinker at may “10” protocol plate — isang pagtatalaga ng numero na nakalaan lamang para sa mga mahistrado ng Court of Appeals, Court of Tax Appeals, Sandiganbayan, at Office of the Solicitor General, alinsunod sa mga alituntunin ng LTO. Gayunpaman, hindi nagtataglay ang pasahero sa alinman sa mga opisyal na kategoryang ito.
Ang mga ulat at video na kumakalat sa online ay kinilala ang pasahero na si Undersecretary Ricky Alfonso ng Department of Transportation and Communications (DOTr). Ang insidente ay nagpakita na ang driver at security aide ni Alfonso ay nakaharap at sinasabing insidente sinampal ang driver ng isang Isuzu multicab matapos ang alitan sa trapiko.
Kaugnay nito binigyang-diin ni Lacanilao na ang LTO ay nakatuon sa pagpapatupad ng lahat ng mga batas at regulasyon “nang walang takot o pabor, anuman ang posisyon o titulo.”
“Ang paggamit ng mga blinker, sirena, at mga protocol plate ay mahigpit na kinokontrol sa ilalim ng mga umiiral na batas at mga kautusang pang-administratibo. Hindi namin kukunsintihin ang anumang maling paggamit sa mga pribilehiyong ito, lalo na ng mga indibidwal na dapat magsilbing mga halimbawa sa publiko,” sabi ni Asec. Lacanilao.
Ang Administrative Order No. 18 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na inisyu noong Abril 2024, ay nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na gumamit ng mga sirena, blinker, at mga katulad na aparato sa pagbibigay ng senyas sa kanilang mga sasakyan, maliban sa mga kabilang sa mga tagapagpatupad ng batas, pang-emergency, o mga serbisyo sa pagliligtas.
Sinabi ng LTO na kinakailangang humarap ang driver sa ahensya para ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanyang lisensya para sa mga posibleng paglabag kaugnay sa hindi wastong paggamit ng protocol plates at accessories.
Samantala, kinumpirma naman ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na humingi ng tawad si Undersecretary Alfonso sa sangkot na motorista at pinaalis ang driver nito kasunod ng insidente. (Santi Celario)