QUEZON, Philippines – Patay ang apat na katao habang sugatan ang 8 iba pa matapos magkarambola ang 11 sasakyan makaraan mawalan ng control ang isang cargo, iniulat kahapon sa Lucena City.
Kinilala ang mga nasawi na sina William Busa Lorilla, 34, driver ng cargo truck, ng Kiwalo, Daraga, Alabay, Sherwin Labog dela Cruz, 41, ng Brgy Ibabang Dupay, Roldan Hernandez Ranillo, 34, ng Brgy Mayao Silangan, Lucena City habang inaalam pa ang pagkakakilanlan sa isang nasawi.
Nilapatan naman ng lunas sa ospital ang mga sugatan na sina Jerimy Rivera Quidlat, 18, ng Brgy Ibabang Dupay, Lucena, Rosemarie Zoleta Abrigo, 22, ng Brgy Isabang, Lucena City, Almico Quareza Revaula, 21, ng Almica Quareza Revaula, 19, ng Almiro Quareza Revaula, 7, Maria Nelia Padillo Panuelas, 70; Michelle Quareza Revaula, 47, at Almira Quareza Revaula, 20, pawang residente ng Brgy Isabang, Lucena City.
Batay sa report ng Lucena Component City Police Station, bandang 11:20 PM Oktubre 11, 2025 naganap ang insidente sa Maharlika Highway, Purok Maulawin, Brgy Isabang ng nasabing lungsod.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Lorilla, ang cargo truck na may plakang CXU-213 patungong city proper ng bigla na lamang itong nawalan ng kontrol sa manibela.
Dahil dito, sumampa sa bangketa ang kanang bahagi ng truck hanggang sa bumangga sa nakaparadang na nauwi sa karambola ng 11 sasakyan at nadamay ang tatlong bahay.
Sa lakas ng impact nagtamo ng matinding pinsala sa kanilang ulo at katawan ang apat na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente at posibleng managot ang mga driver ng sasakyan na sangkot sa karambola. /Mary Anne Sapico