Home NATIONWIDE LTO nakakolekta ng P8.3B sa Q1 ng 2025

LTO nakakolekta ng P8.3B sa Q1 ng 2025

MANILA, Philippines – Sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na nakakolekta ng mahigit P8.3 bilyon kita ang ahensya sa unang quarter ng taong ito dahil sa tamang landas ng LTO para makamit ang target koleksyon nito.

Nasa tamang landas ang Land Transportation Office (LTO) para makamit ang target na koleksyon ng kita para sa 2025 matapos itong mangolekta ng mahigit P8.3 bilyon sa unang quarter ng taong ito.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang mataas na koleksyon ng kita ay base sa istratehikong pagpapatupad ng patakaran, pagtiyak ng kahusayan sa transaksyon at ang agresibong pagpapatupad ng mga panuntunan at regulasyon sa kaligtasan sa kalsada.

“Malaki ang revenue target ng LTO ngayong taon at hindi naman ito basta napag-isipan lang dahil naniniwala kami na kayang-kaya namin itong ma-achieve,” sabi ni Asec Mendoza.

Kaugnay nito itinakda ng LTO ang P34 bilyon bilang revenue target para sa 2025 at noong Marso 31, umabot na sa kabuuang P8,373,775,537.00 ang koleksyon ng ahensya.

Samantala binigyang-diin ni Asec Mendoza ang pangangailangan para sa revenue collection efficiency dahil ito ay lilikha ng mga pondo na hindi lamang magpapaunlad sa mga serbisyo ng LTO kundi magbibigay din ng mas maraming pondo sa lahat ng mga programa at proyekto ng pamahalaan na makikinabang sa mamamayang Pilipino, partikular sa mga mahihirap at nangangailangan.

Bunsod nito pinuri ni Mendoza ang lahat ng empleyado ng LTO sa kanilang dedikasyon at pagsusumikap sa nakalipas na tatlong buwan para sa kahusayan sa pagkolekta ng kita.

“Sa rate na ito, kayang-kaya nating abutin ang ating target na kita at umaasa ako na malalampasan natin ito. Sa ating pagsusumikap at pagtutulungan upang makamit ang ating layunin, kayang-kaya natin ito,” ani Mendoza.

Kaugnay nito ang pamumuno ni Mendoza ay hindi lamang nakatutok sa pagpapahusay ng mga serbisyo kundi pati na rin sa pagtiyak ng moral ng mga tauhan ng LTO, isa na rito ang pagsisimula ng mga hakbang para sa seguridad sa trabaho. Santi Celario