MANILA, Philippines – GUMAGAWA ng paraan ang gobyerno para mas mapababa ang presyo ng pagkain at itaas ang produksyon ng food commodities.
Ang pagtiyak ay ginawa ng Pangulo sa isinagawang national kick-off celebration ng Filipino Food Month 2025 sa Quezon Provincial Capitol Grounds, araw ng Biyernes, Abril4.
“Bilang tugon, inilunsad natin ang iba’t ibang programa upang mapababa ang presyo ng pagkain at mapadami ang produksyon nito,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Kaya naman ang pamahalaan ay patuloy na gumagawa ng mga hakbang upang masiguro na may sapat at murang pagkain para sa bawat Pilipino,” aniya pa rin.
Ani Pangulong Marcos, nag-aalok ang gobyerno ng mas murang bigas sa pamamagitan ng Kadiwa ng Pangulo’s (KNP) Rice for All, sa P29 programa nito.
Ang implementasyon aniya ng maximum suggested retail price para sa baboy at alokasyon ng pondo para sa agricultural programs ay mahalaga upang masiguro na ang mga filipino ay makakukuha ng abot kaya at masustansyang pagkain.
“Sa ganitong paraan, ang mura at dekalidad na pagkaing Pilipino ay magbibigay lakas sa ating katawan [at] magpapayaman pa sa kultura natin at pagkakakilanlan,” ayon sa Pangulo.
Sa kabilang dako, hinikayat naman ni Pangulong Marcos ang mga mamamayang filipino na ingatan at pangalagaan ang tradisyon ng bansa sa pamamagitan ng pagpo-promote ng ‘local cuisines’ o lokal na lutuin.
Samantala, Bumagal ang inflation rate o ang antas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa sa 1.8% noong buwan ng Marso ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang press conference ngayong Biyernes, Abril 4, iniulat ni PSA USec. Dennis Mapa na ang mas mabagal na inflation rate noong nakalipas na buwan ay pangunahing bunsod ng mas mabagal na pagtaas ng presyo sa pagkain at beverages gayundin ang pagbaba ng presyo ng langis sa nasabing buwan.
Partikular na tinukoy ng opisyal ang malaking pagbaba sa presyo ng bigas noong Marso kumpara sa kaparehong buwan noong 2024 kung saan nakapagtala ng year-on-year decrease na -7.7% noong Marso. Ito na aniya ng pinakamalaking porsyento ng pagbaba ng presyo simula noong Marso 2020 kung saan bumaba ang presyo ng bigas sa -8.4%.
Bukod sa presyo ng bigas, nakitaan din ng pagbaba ang presyo ng mga karne sa 8.2% noong Marso mula sa 8.8% noong Pebrero. Bagamat inamin ng opisyal na nananatiling mataas pa rin ang presyo ng mga panindang karne dahil sa epekto pa rin ng African Swine fever (ASF).
Sa halaga ng transportasyon, bumaba ito dahil sa mga ipinatupad na rollbacks.
Sa kabuuang average inflation mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon, naitala ito sa 2.2% na nananatiling pasok sa target range ng pamahalaan na 2% hanggang 4%. Kris Jose