Home METRO Pedestrian todas sa suwag ng ‘kamote rider’

Pedestrian todas sa suwag ng ‘kamote rider’

Bulacan – Patay ang isang binatang naglalakad sa tabi ng kalsada matapos mabangga ng humaharurot na motorcycle rider sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ng pulisya ang kalunos-lunos na biktimang si Roderick, 39, maintenance, residente ng Brgy. Minuyan 1.

Sa report ng SJDM police station, naganap ang insidente bandang 9:30 ng gabi nitong Abril 1 sa Road 1 , Brgy. Minuyan 2.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, naglalakad ang biktima sa tabi ng kalsada nang biglang may bumanggang motorsiklo na mabilis na sumibat sa lugar.

Dahil dito, agad dinala ang biktima sa ospital para sa paunang lunas subalit binawian na ito ng buhay, ayon sa doktor.

Sinasabing bandang 3:00 ng hapon kinabukasan ay boluntaryong sumuko sa pulisya ang suspek na rider na nagngangalang Raymond, 20, residente ng Brgy. Sto Cristo, ayon na rin sa report.

Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III