Home NATIONWIDE LTO NCR heads, binalasa sa pagkakaaresto ng fixers

LTO NCR heads, binalasa sa pagkakaaresto ng fixers

2
0

MANILA, Philippines — Ipinatutupad ng Land Transportation Office ang region-wide reassignment ng mga district heads nito sa National Capital Region kasunod ng pagkakaaresto sa tatlong umano’y fixer.

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, bahagi ang reshuffle ng patuloy na reorganization ng ahensya at ng mga hakbang nito upang panagutin ang sinumang sangkot sa ilegal na aktibidad.

“Hindi sapat na mahuli lamang ang mga fixer. Mahalaga rin na matukoy kung paano sila nakapag-o-operate at kung may mga nagpabaya o nagbigay ng proteksyon sa kanila. Iyan ang layunin ng isinasagawang imbestigasyon at ng mga hakbang na ipinatutupad natin sa loob ng ahensya,” ani Lacanilao.

Ang tatlong LTO personnel na umano’y sangkot sa ilegal na pagproseso ng student driver’s permits at licenses ay nahuli sa entrapment operation noong Hunyo 29, 2026, sa LTO West Manila District Office at LTO East Avenue Central Office.

Iniimbestigahan na rin ng LTO ang mga pinuno ng dalawang district offices upang matukoy kung nagkaroon ng kapabayaan sa pagtupad ng kanilang tungkulin at malaman ang lawak ng ilegal na aktibidad sa mga naturang tanggapan.

Sinabi ni Lacanilao na responsibilidad ng bawat LTO office chief na tiyaking malaya sa fixers at iba pang ilegal na gawain ang mga tanggapang kanilang pinangangasiwaan.

Hinimok din niya ang publiko na direktang makipagtransaksyon sa LTO personnel at i-report ang anumang maling gawain sa reporting platform ng ahensya para sa agarang aksyon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here