MANILA, Philippines – Lumagda ng Memorandum of Agreement on interoperability sa pagitan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Land Transportation Office (LTO) sa National Headquarters nito sa Port Area, Manila nitong Biyernes ng hapon, Nobyembre 15.
Ayon kay PCG Commandant, Admiral Romni Hil L. Gavan na nakapaloob sa kasunduan ang pagkakaroon ng joint basic training kung saan tuturuan ng LTO ang mga coast guardians ng safety driving at traffic rules and regulations sa kalsada.
Sinabi ng Komandante, malaking bagay ito sa kanilang hanay lalo pa’t mataas ang insidente vehicular accident sa kanilang hanay.
Aniya, tuturuan din sila ng LTO kung paano sumunod sa batas.
Bukod dito, tutulong din ang LTO sa pagbibigay ng impormasyon sa coast guard hinggil sa mga pekeng lisensya ng mga binabyahe na mga sasakyan partikular ang mga carnapped vehicles na itinatawid sa karagatan ng Pilipinas.
Idinagdag pa ni Gavan na makakasama na rin ang LTO sa law enforcement lalo na sa mga pantalan sa buong bansa.
Ayon naman kay LTO Chief, Atty.Vigor Mendoza, ngayon lamang pormal na nagsanib ang dalawang puwersa — ang parehong land at sea sa ilalim ni DOTr Secretary Jaime Bautista.
Aniya, mahalaga ang enforcement drive, pagpapatupad ng traffic laws ay mas lalo pang mapapalakas gayundin ang mga coast guardians na dapat marunong magmaneho ng tama kung saan magbibigay ng libreng training ang LTO.
Ang MOA signing ay isinagawa kasabay ng oath taking ceremony at donning kay Mendoza bilang bagong commodore ng PCG Auxiliary (PCGA). Jocelyn Tabangcura-Domenden