Home ENTERTAINMENT Luis, planong magbalik-eskwela!

Luis, planong magbalik-eskwela!

Manilla, Philippines – Masinsinan daw na pinag-uusapan nang husto ng celebrity couple na sina Luis Manzano at Jessy Mendiola ang tungkol sa pagpasok ng una sa pulitika.

Ayon pa kay Luis nang makausap namin sa phone ay tumagal daw ng ilang oras ang pag-uusap nila ng asawang si Jessy.

Medyo nagkaiyakan pa raw silang mag-asawa at talagang hinimay himay nila ang advantages at disadvantages ng pagiging public servant.

Alam nilang pareho na hindi ganu’n kadali ang magserbisyo sa publiko lalong lalo na sa pagiging bise gobernador ng Batangas na siyang tinakbuhan ngayon ni Luis.

Ani pa ng premyadong TV host, kung ilang beses na raw siyang kinumbinsi noon pero lahat ay tinanggihan niya.

Showbiz career at ang pagbuo ng sariling pamilya ang kinakatuwiran noon ni Luis plus hindi pa raw siya handa nang mga panahon na yun, huh!

Pero ngayong natimbang na niya ang lahat kasama ang pagpayag ng asawang si Jessy ay decided na raw siyang sumabak sa mundo ng pulitika.

Siyempre may mga isinantabi raw si Luis sa naging desisyon niyang maging public servant.

“Well siguro maintindihan naman ng mga fans ko na hindi na muna ako tumanggap ng mga hosting jobs.

“Siyempre kailangan kong mangampanya dahil hindi naman basta basta ang mga makakatapat ko.

“Ang if ever papalarin need ko ring mag-aral para sa kailangang kaalaman sa pagiging bise gobernador,” lahad pa ng premyadong TV host.

Natawa pang binanggit ni Luis na habang nasa pulitika siya ay ang asawang si Jessy muna ang magpapakabisi sa showbiz, huh!

Hindi rin naman ganu’n kadali para kay Luis na tuluyan nang pumalaot sa mundo ng pulitika.

Kamuntik na nga raw na hindi sumang-ayon si Jessy sa desisyon niya pero kalaunan daw ay mismong ang asawa na ang nagtulak sa kanya na sundan ang yapak ng inang si Gov. Vilma Santos at ng tito niyang si Sec. Ralph Recto.

Kaya nga raw basta may oras ay halos lahat ng pag-iikot ni Luis sa Batangas ay ka-join ang asawa, huh!

Si Luis ang running mate ng ina.

Si Ate Vi ay muling nagbabalik bilang Batangas governor, huh! Jimi Escala