Home HOME BANNER STORY Lumang school calendar gustong ibalik na ni PBBM sa susunod na taon

Lumang school calendar gustong ibalik na ni PBBM sa susunod na taon

MANILA, Philippines – NAIS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ibalik ang old school calendar ‘as early as next school year’ para maiwasan ang kanselasyon ng klase dahil sa matinding init ng panahon na dala ng El Niño phenomenon.

Sa isang panayam sa sidelines ng Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) Day sa Pasay City, araw ng Lunes, Mayo 6, sinabi ng Pangulo na hiniling na niya kay Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na maghanda ng konkretong plano ukol sa paglipat sa lumang school calendar.

“Well, of course, hiningi ko ‘yan sa DepEd and asked Inday Sara to give me already a concrete plan because mukha naman hindi na tayo kailangan maghintay pa. At mukha naman kailangan na at I don’t see any objections really from anyone,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Especially, with the El Niño being what it is. Every day you turn on the news, F2F classes are cancelled, F2F classes have been postponed, etcetera. So, talagang kailangan na kailangan na. So, yes. That’s part of the plan that we are trying to do to bring back already the old schedule,” dagdag na pahayag nito.

May ilang eskuwelahan sa malaking bahagi ng bansa ang tumalon na sa online classes para protektahan ang mga kabataan mula sa matinding init ng panahon.

Samantala, sinabi ng Pangulo na ang pagbabalik sa old school calendar days “will be better for the kids.” Kris Jose