MANILA, Philippines – Hinikayat ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang ang lahat ng Operating prison at penal farms (OPPF) sa bansa na makipagsapalaran sa negosyo sa pribadong sektor.
Inihalimbawa ni Catapang ang ginawa ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) na nakipagtulungan sa Tagum Agricultural Development Company, Incorporated (TADECO), ang kompanyang gumagawa at nag-export ng Cavendish bananas sa Japan, Korea, Middle East, Hong Kong, China, Russia, Malaysia, New Zealand, at Singapore.
Kumita ang BuCor ng mula P20 milyon hanggang P22 milyon kada buwan sa pagpapaupa ng mahigit 5,000 ektarya ng lupa nito para makapagtanim ng saging.
Binigyan din ng pagkakakitaan ang mga
persons deprived of liberty matapos kunin ng
TADECO para sa packaging ng mga saging.
Sinabi ni Catapang na ang Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Palawan ay kikita na rin mula sa programang Reformation Initiative for Sustainable Environment for Food Security (RISE).
Maging ang San Ramon Prison and Penal Farm (SRPPF) sa Zamboanga City ay may kasalukuyang negosasyon para sa posibleng pagpapaupa ng ilang ektaryang lupa nito para sa solar project maliban pa sa planong gawin na economic zone ang 60 ektarya pa nitong lupa.
Sinabi ni Catapang na may kabuuang land area ang BuCor na 48,783.31 hectares na maaaring iconvert bilang agro at aqua-culture sites at economic zones para sa evonomic development ng bansa at mabigyan din ng pagkakataon ang PDLs na igalang ng komunidad dahil sa kanilang kontribusyon sa ekonomiya.
Iginiit ni Catapang na kung ang lahat ng OPPF ng Bucor ay kumikita, maaaring dumating ang panahon na hindi na sila hihingi ng budget sa gobyerno at sila pa ang magbibigay ng budget sa lawak ng lupain ng BuCor. Teresa Tavares