Home METRO Kelot arestado sa halos P.2M shabu at marijuana sa Caloocan

Kelot arestado sa halos P.2M shabu at marijuana sa Caloocan

MANILA, Philippines – ARESTADO ang isang lalaki na sangkot umano sa illegal na droga matapos makuhanan ng halos P.2 milyong halaga ng shabu at marijuana makaraang inguso sa pulisya ng isang concerned citizen sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Caloocan Police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na si alyas “Noel”, 34 ng Barangay 176, Bagong Silang na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na habang nagsasagawa ng anti criminality campaign at police patrol ang kanyang mga tauhan sa Brgy., 176, Bagong Silang nang isang concerned citizen ang lumapit at ipinaalam sa mga pulis ang hinggil sa dalawang lalaki na nagsasagawa ng ilegal drug transaksyon sa Phase 4, Package 3, dakong alas-11:55 ng gabi.

Nang puntahan ng mga pulis ang lugar, nakita nila ang dalawang lalaki na tumutugma sa inilarawan ng concerned citizen habang nakatayo sa may ilaw na bahagi ng eskinita.

Nakita rin ng mga pulis ang isa mga suspek na may inilabas sa kanyang sling bag na isang transparent plastic bag ng umano’y marijuana at ipinakita sa kanyang kasama kaya kaagad nila nilapitan ang mga ito.

Nang mapansin ng mga suspek ang mga pulis ay nagtakbuhan ang mga ito kaya hinabol sila ng mga parak hanggang makorner at maaresto si Noel habang nagawang makatakas ng kanyang kasama.

Nakumpiska kay Noel ang isang transparent plastic bag ng hinihinalang marijuana na timitimbang ng 500 grams at nagkakahalaga ng P60,000.00, apat na plastic sachets na naglalaman ng nasa 20 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136,000.00, sampung P100 bills, digital weighing scale at pulang sling bag. R.A Marquez