Home METRO Lalaking bumibiktima sa online sellers sa Valenzuela, timbog

Lalaking bumibiktima sa online sellers sa Valenzuela, timbog

MANILA, Philippines – KULUNGAN ang kinasadlakan ng 27-anyos na lalaking na nagbabayad ng pekeng transaksiyon ng mobile wallet sa pagbili ng mga produkto sa mga online seller matapos maaresto sa Valenzuela City.

Huling biktima ng suspek na si alyas “Cabugnao,” ng Rincon, ang online seller na nagbenta ng dalawang cellular phone sa suspek na nagkakahalaga ng P14,200 kada isa, nitong Enero 4 na babayaran sa pamamagitan ng isang mobile wallet.

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura, ipinadala ng suspek ang screenshot ng Gcash payment niya sa biktima matapos ang kanilang transaksyon sa pagbili niya ng dalawang cellular phone kaya ipina-deliver ng biktima noong Enero 5 sa isang rider ang produkto sa ibinigay na address sa Brgy. Marulas.

Nadiskubre ng biktima kinabukasan, Enero 6 na walang pumasok sa kanyang mobile wallet hanggang mabuking niyang peke ang screen shot ng payment kaya inireklamo niya ang suspek sa pulisya, kasama ang rider na nag-deliver ng cellphone.

Nang maipakita naman ng rider ang kuha niya sa suspek habang tinatanggap ang produkto ay kaagad tinugis ang suspek ng mga tauhan ng Detective Management Unit (DMU) sa pamumuno ni P/Lt. Ronald Bautista subalit wala na ito sa address na ibinigay niya sa Brgy. Marulas.

Nagtanong-tanong ang mga tauhan ng DMU sa mga kalapit na barangay hanggang isang opisyal ng Brgy. Dalandanan ang nakakilala sa suspek dahil may rekord na si Cabugnao sa kanilang lugar, gamit ang kaparehong modus.

Inginuso ng mga opisyal ng Brgy. Dalandanan ang bahay ni Cabugnao sa Brgy. Rincon na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya at nabawi ang isa sa dalawang Infinix Zero 30 cellphone na kanyang nakuha sa panggogoyo sa online seller.

Base kay PLt Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit (SIU), si Cabugnao ay mahaharap sa kasong Estafa. R.A Marquez/Merly Iral

Previous articlePagdagsa ng mga sardinas sa baybayin ng Sarangani, natural phenomenon – specialist
Next articleKelot arestado sa halos P.2M shabu at marijuana sa Caloocan