
MAGANDANG balita para sa mga magsasakang Filipino! Ipinapaalam ng Bureau of Plant Industry o BPI na pormal nang binuksan ng Russia ang merkado nito para sa mga produktong hass avocado, calamansi at okra.
Maaari nang mag-export patungong Russia ng mga nabanggit na produkto, kinakailangan lamang ang mahigpit na pagsunod sa lahat ng phytosanitary requirements.
Ang okra at hass avocado ay natukoy na kabilang sa mga kalakal ng bansa na may malaking upside export na potensyal upang pag-iba-ibahin at palawakin ang kita sa pag-export ng agrikultura sa bansa.
Ang mga phytosanitary requirement ay tumutukoy sa mga panuntunan at regulasyon na nagsisigurong ang mga produktong agrikultural na iniluluwas ay ligtas mula sa mga peste at sakit, at hindi banta sa kalusugan ng tao, halaman, o hayop.
Paalaala ng BPI, ang pagpapadala ng hass avocado, calamansi, at okra patungong Russia ay kinakailangang may kasamang phytosanitary certificate na mula sa ahensya. Maaaring dumulog ang mga interesadong exporter sa pinakamalapit na plant quarantine station.
Bukod sa mga alituntunin ng BPI, kailangang tumalima rin ang mga produktong iluluwas sa mga phytosanitary requirement ng Russia.
Ang mga opisyal ng agrikultura ng Russia ay nagpahayag ng kanilang mga alalahanin sa pag-access sa merkado sa mga produktong karne sa Pilipinas, partikular na ang mga manok.
Noong Marso, pormal na in-accredit ng DA ang 17 foreign meat establishments ng Russia na mag-export ng beef, pork, chicken meat, turkey at duck meat sa Pilipinas.
Ang pagpasok ng tatlong produkto ay resulta ng naging pagpupulong noong Nobyembre 2022 sa pagitan ng Department of Agriculture (DA) at Ministry of Agriculture ng Russia upang talakayin ang bilateral na kalakalan sa agrikultura.
Batay sa datus ng International Trade Centre (ITC), umabot sa 737 metriko toneladang (MT) avocado ang na-export ng bansa noong nakaraang taon, na may kabuuang halaga na US$ 1.588 million.
Kabilang sa mga pangunahing merkado ng mga avocado ng Pilipinas ay ang South Korea umaabot sa 391 MT, China nasa 117 MT, Hong Kong nasa 93 MT, at Japan nasa 82 MT.
Ang South Korea ang may pinakamalaking bahagi ng kita mula sa avocado exports ng bansa noong nakaraang taon, na umabot sa US$ 1.24 million ayon sa ITC.