MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes na magiging mainit at maalinsangan ang Labor Day weekend, kung saan maaaring umabot sa “danger” level ang heat index sa ilang lugar.
Ayon kay PAGASA weather specialist Chenel Dominguez, mamamayani ang easterlies o mainit na hangin mula sa Karagatang Pasipiko sa Mayo 1, na magdudulot ng mataas na temperatura at halumigmig sa buong bansa.
Inaasahang aabot sa 42°C hanggang 43°C ang heat index sa ilang lugar kabilang ang Dagupan City sa Pangasinan; Subic Bay at Olongapo City sa Zambales; Sangley Point sa Cavite City; Laoag City sa Ilocos Norte; Bacnotan sa La Union; Aparri sa Cagayan; Camiling sa Tarlac; San Jose sa Occidental Mindoro; Virac sa Catanduanes; Masbate City sa Masbate; Dumangas sa Iloilo; La Granja sa La Carlota City sa Negros Occidental; Catarman sa Northern Samar; at Guiuan sa Eastern Samar.
Ayon sa PAGASA, ang heat index na 42°C hanggang 51°C ay may mataas na panganib ng heat cramps, heat exhaustion, at posibleng heat stroke.
Pinapayuhan ang publiko na limitahan ang outdoor activities sa peak hours, uminom ng sapat na tubig, magsuot ng magaan na damit, gumamit ng proteksyon laban sa araw, at magpahinga sa lilim.
Sa kabila ng matinding init, inaasahan ang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region, Palawan, Southern Leyte, at Basilan. Partly cloudy hanggang cloudy skies naman ang mararanasan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa na may posibilidad ng isolated rain showers o thunderstorms.
Wala namang inaasahang mabubuong bagyo o low-pressure area sa buong weekend, ayon pa sa PAGASA. Santi Celario