Home NATIONWIDE Maasin, Southern Leyte nakapagtala ng 53°C heat index

Maasin, Southern Leyte nakapagtala ng 53°C heat index

MANILA, Philippines– Nakapagtala ng mas kaunting orange (danger) at red (exteme danger) marks sa heat index chart ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa nakalipas na limang araw subalit umakyat ang heat index sa Maasin, Southern Leyte sa 53 degrees Celsius nitong Sabado.

Ang aktuwal na temperatura ng Maasin noong Biyernes ay 32.6°C lamang.

Nasa ilalim ng danger category ang mga lugar na nakararanas ng 42°C ay 51°C habang nagsisimula ang extreme danger sa 52°C.

Hawak pa rin ng Guiuan, Eastern Samar ang pinakamataas na heat index ngayong taon sa 55°C, naitala noong Mayo 26 habang ang Luzon ay binabayo ng Bagyong Aghon.

Pumalo naman ang  heat index sa Metro Manila sa pagitan ng 40°C at 43°C habang Baguio City lamang ang lugar na nasa below caution (27°C hanggang 32°C) sa 25°C.

“This June, dry spell is forecast in Bataan, Pangasinan, Tarlac, and Zambales, while drought is likely in Apayao and Cagayan,” pahayag ni PAGASA chief Nathaniel Servando sa naunang panayam.

Mayroong 69 porsyentong posibilidad na iiral ang La Niña sa Hulyo, Agosto, o Setyembre. 

Samantala, sinabi ng PAGASA na 17 lugar sa bansa ang maaaring makaranas ng heat index sa danger level ngayong Linggo.

Ayon sa pagtataya ng PAGASA nitong alas-5 ng hapon ng Sabado, makapagtatala sa mga sumusunod na lugar ng heat indices mula 42°C hanggang 46°C:

46°C:

  • Virac (Synop), Catanduanes

45°C:

  • Maasin, Southern Leyte

44°C:

  • Aparri, Cagayan

  • Tuguegarao City, Cagayan

  • Masbate City, Masbate

43°C:

  • NAIA, Pasay City

  • Dagupan City, Pangasinan

  • ISU Echague, Isabela

  • Casiguran, Aurora

  • Dipolog, Zamboanga del Norte

42°C:

  • Bacnotan, La Union

  • CLSU Muñoz, Nueva Ecija

  • Alabat, Quezon

  • Juban, Sorsogon

  • Catbalogan, Samar

  • Davao City, Davao del Sur

  • Butuan City, Agusan del Norte

Samantala, inaasahan ang pinakamababang heat index sa Baguio City sa 26°C. RNT/SA