MANILA, Philippines- Mayroon lamang halos 100,000 deactivated voters na aktuwal na nag-apply para sa kanilang reactivation sa loob lamang ng mahigit isang buwan bago ang pormal na pagtatapos ng Voter’s Registration Program, ani Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia, Martes.
Sinimulan ng Comelec ang “Register Anywhere Program” noong Disyembre 2022 gamit ang mga komersyal na establisimyento, simbahan at paaralan, na may pag-asang mahikayat ang mga Pilipinong botante na magparehistro o muling buhayin ang kanilang mga talaan ng pagboto.
Ang naturang bilang ay karampot lamang ng 5.3 milyong deactivated na mga botante – o iyong mga nabigong bumoto sa dalawa o higit pang magkakasunod na halalan – na inaasahan ng Comelec na maibabalik sa aktibong listahan ng mga botante sa mga botohan sa susunod na taon.
Pormal na magsasara ang RAP sa Agosto 31, ngunit maaari pa ring iproseso ng mga botante ang kanilang pagpaparehistro sa kanilang lugar na tinitirhan hanggang Setyembre 30 ngayong taon.
Samantala, nakatakda ring tanggalin ang 600,000 mula sa 5.3 milyon sa listahan ng deactivated voters.
Ikinalungkot naman ito ni Garcia dahil sa kabila ng puspusan nilang pagpapakalat ng impormasyon at tumulong na rin ang simbahan, pribadong sektor ,unibersidad, government agencies bukod pa sa pinupuntahan din ng Comelec ang lahat ng sulok ng Pilipinas, ay mababa pa rin ang turn-out ng RAP.
May 3 milyong bagong voter registrants sa bansa sa ngayon, ani Garcia.
Sa ibayong dagat, ang bilang ng mga Pilipinong botante na nagpaparehistro para bumoto sa mga susunod na taon ay malapit na sa dati nitong bulto na 1.6 milyon, ngunit malayo pa rin sa walong-digit na pwersa ng mga OFW, ayon kay Garcia.
Sinabi ni Garcia na posibleng makamit ng Comelec ang target na 70 milyong rehistradong botanteng Pilipino sa Setyembre 30, 2024.
Sa ngayon ay umabot na sa 66 milyon ang rehistradong botante mula sa 2022 elections na mayroong 61 milyon.
Sa kabila ng kabiguan ng komisyon na akitin ang mas maraming Pilipino na magparehistro, ibinasura ni Garcia ang mga pananaw na nabigo ang RAP at iba pang programa ng Comelec na may kaugnayan sa mga botante.
Samantala, sinabi ni Garcia na hindi naman sa kawalan ng tiwala sa electoral exercise sa bansa ang mababang turn-out o kawalan ng interest ng mga botante na bumoto.
“Mataas paniniwala ko sa mga Pilipino na nandyan ang interes. Hindi lang maka-absent sa klase o sa trabaho. Hindi because of lack of interest. Three million bagong botante, yun naman talaga projection natin. Kung yun ang basehan, na-reach natin yun. Kaya lang nagulat tayo na ganun pala kalaki ang deactivated na botante,” ipinunto ni Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden