Home OPINION MPOX, NAKABUBULAG NA NAKAE-EPILEPSY PA

MPOX, NAKABUBULAG NA NAKAE-EPILEPSY PA

NAKAKITA na ba kayo ng pasyenteng may mpox o itsurang malalaking tigdas na nakakalat sa lahat ng parte ng katawan, kasama sa ari o palibot nito at sa puwet?

‘Yung iba, walang paki dahil hindi naman umano ito katulad ng Covid-19 noon na kung manghawa at tumodas sa atin ay gayun na lamang.

Pero dapat bigyan ito ng pansin upang hindi tayo mahawa at magkasakit nito dahil napakasasama ng bunga nito.

Ang mpox, hindi lang nakaoospital o nakamamatay.

Kung makaligtas ka man sa kamatayan, kapag serious ang naging tama ng virus nito sa iyo, mawawalan ka nang silbi bilang tao.

Kung wala kang silbi, ano ang epekto nito sa iyong asawa, anak at trabaho o propesyon at iba pang gawain?

GRABENG KALAGAYAN

Heto ang ilang halimbawa ng pagmumulan ng pagiging inutil o kawalan ng silbi.

Lahat ng parte ng katawan ng tao ay tinatamaan ng mpox mula ulo at mukha hanggang talampakan.

Kapag tinamaan ang iyong mga mata, mga Bro, maaari kang mabulag.

At kapag nabulag ka, paano ka makapagtatrabaho, magpapamilya at iba pa?

Hindi na kailangang ipaliwanag kung paano labis na nawawalan ng napakalaking bagay sa buhay ang isang bulag.

Nagbubunga rin ang mpox ng encephalitis.

Sa encephalitis, tinatamaan ng virus ang utak at mula rito, maaaring masira ang mga kontrol sa mga paa, kamay at iba pang parte ng katawan at maparalisa ang mga ito.

Nagbubunga rin ang encephalitis ng epilepsy o basta na lang pagkawala ng malay.

Paano kung nasa kalsada ka at tumatawid, kung magdaragat ka at nasa laot na nangingisda, kung machine operator ka sa pabrika at iba at bigla ka na lang natumba at nawalan ng malay sa epilepsy?

MAG-INGAT, KUMILOS LABAN SA MPOX

May kampanya ang pamahalaan laban sa mpox at nangunguna rito ang pagbabakuna.

Kung may nagbabakuna laban sa mpox, aba, sumalang agad kayo, mga Bro.

Bukod sa bakunang laban talaga sa mpox, pupwede rin ang bakuna laban sa small pox o tigdas.

Pero dapat samahan  ang mga bakuna ng pagiging malinis sa kamay, pag-iingat sa mga dikitang kontak sa maysakit, pag-iingat sa mga gamit, damit, bedsheet at iba ng maysakit at iba pa.

Kapag may mapansing tila may palatandaan ng mpox ang isang tao, lalaki man o babae, iwasan ang makihiga sa kanya sa kama at kahit ang makipag-sex.

Alalahaning sa sex pangunahing nagkakaroon ng hawahan, lalo na sa men to men sex.

Ngunit nahahawaan na rin ang mga babae at maging ang mga bata.

Sa ibang mga bansang pinanggalingan ng mga sakit na ito, lalo na sa Africa, libo-libo ang nahawahan at maging sa Spain.

Alalahaning narito na sa Pinas ang mpox at nakapagtatakang maging ang hindi lumalabas ng bansa ay may mpox.

Maaari bang may sarili tayong mpox?

Kung may native na mpox, lalo tayo dapat mag-ingat!