SAAN kaya hahantong ang bombahan ng tubig, banggaan ng mga barko at barko at bangka ng Pinas at China sa West Philippine Sea?
Sa pagitan ng China at Japan sa Senkaku Islands na kanilang pinag-aagawan, nagkakaroon din ng bombahan ng tubig sa kanilang mga barko.
Kapag bumomba ang China, gumaganti ng bomba ang Japan at meron ding pagbangga ng mga Chinese trawler o lantsang pangisda sa mga Japanese Coast Guard.
Sakop ng Japan ang tatlong isla rito simula pa noong 1895 ngunit noong 1400 pa umano pag-aari ng China ang mga ito.
Kapag dumarating ang mga barkong China, binabalaan ang mga ito na lumayo ng mga barkong Japan.
Pero pumapasok pa rin ang China kaya nagkakaroon ng bombahan ng tubig.
Hanggang ngayon, naggigirian lang ang dalawang bansa at wala namang nagaganap na digmaan.
Maaari bang ganito rin ang mangyayari sa pagitan ng Pilipinas at China?
Hanggang ngayon, hindi pa bumobomba at bumabangga ang mga barko ng Pinas kundi kabaligtaran ang nangyayari.
Kapag nagsasagian o nagbabanggaan ang mga barko, may mga sira ang bawat isa.
Paano naman kaya kung may bombahan sa isa’t isa?
Pero higit na mahalaga ang mga nasa likod ng mga girian.
Totoong may tunay na interes ang Pinas sa karagatan at islang itinuturing nitong sakop ng exclusive economic zone at dapat lang na ipagtanggol ang mga ito.
Pero ang United States at China ang higit na nagbabanggaan para sa mas malalaki nilang interes kumpara sa interes ng Pinas.
Paano ipupwesto ng Pinas ang sarili sa girian ng dalawang malalaking bansa na isa sa mga ito ang nagtuturing sa Pinas na tuta lang nito at pinapasunod sa sarili nitong interes?
Kung buhay sila ngayon, ano kaya ang masasabi nina Lapu-Lapu, Andres Bonifacio, Jose Rizal, Tandang Sora, Gabriela Silang at iba pa sa mga nagaganap sa West Philippine Sea?






