MANILA, Philippines – PINABULAANAN ng Malakanyang na ang ‘rice importation’ ang dahilan ng mababang presyo ng palay sa Cagayan.
Sinabi ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro, ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, ang mababang presyo ng palay sa naturang lalawigan ay dahil sa local traders, na direktang bumibili ng palay mula sa mga magsasaka.
“Base po sa records – nakausap po natin si Secretary Kiko Laurel – base po sa records po, mababa po ang importasyon natin. At hindi po totoo na dahilan po ito, iyong pagbaba po ng pagbibili sa mga magsasaka—bumababa ang bili ng palay, hindi po dahil sa importasyon,” ang sinabi ni Castro.
Ang hinala ni Tiu Laurel, ang mga local traders ang dapat na sisihin.
“[M]alamang po – ang sabi sa akin ni Secretary Kiko – ang namamayagpag po dito iyong mga local traders,” aniya pa rin.
At upang magawan ng remedyo ang situwasyon, sinabihan ang mga magsasaka na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga local government units (LGU) at direktang ibenta ang kanilang ani sa National Food Authority (NFA) buying station upang maiwasan ang pagdurusa ng pagtapyas na kadalasang ipinapataw sa mga mangangalakal.
“So, ang magiging rekomendasyon po namin ay makipagtulungan po muna iyong mga magsasaka doon sa local government units po para po madala po ito sa NFA buying station; bumibili po ang NFA ng P23 to P24 dry,” ang pahayag ni Castro.
Samantala, hindi naman lingid sa kaalaman ng Malakanyang ang mga hamon na kinahaharap ng mga magsasaka lalo na ang direktang pagbebenta ng kanilang kalakal sa gobyerno ay ‘logistics.’
Ani Castro, kasalukuyan ngayong bumibili ang DA ng mga trak para pahintulutan ang mga magsasaka na direktang magbenta ng kanilang kalakal sa NFA. Kris Jose