MANILA, Philippines – Nagpiyansa na nitong Sabado si online media personality Franco Mabanta at apat pa niyang kasama sa kasong robbery with violence against or intimidation of persons kaugnay ng umano’y tangkang pangingikil laban kay dating House Speaker at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez.
Naglabas ng release order ang Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 167 matapos maghain ng tig-P120,000 na piyansa ang lima.
Nagsagawa ng Saturday duty ang korte alinsunod sa memorandum na inilabas noong 2025 ng executive judge ng Pasig RTC.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), sumailalim sa inquest proceedings noong Miyerkules ng gabi si Mabanta, founder ng Peanut Gallery Media Network (PGMN), kasama ang apat na iba pa dahil sa reklamong robbery at extortion laban kay Romualdez.
Naaresto ang lima sa isinagawang entrapment operation nitong linggo.
Sinabi ni NBI spokesperson Palmer Mallari na ang kaso ay may kaugnayan sa Article 294 ng Revised Penal Code o robbery with violence against or intimidation of persons.
Ayon sa mga awtoridad, sinubukan umano nina Mabanta na mangikil ng P300 milyon kay Romualdez kapalit ng hindi paglalabas ng umano’y video na nag-uugnay sa kongresista sa maanomalyang flood control projects.
Itinanggi naman ni Mabanta ang alegasyon at sinabing “setup” umano ang operasyon laban sa kanila. RNT/MND