Home OPINION MABILIS NA AKSYON LABAN SA KRIMEN

MABILIS NA AKSYON LABAN SA KRIMEN

KUNG sakaling totoo ang balitang nasa kamay na ng mga awtoridad, partikular ang Philippine National Police, ang ilang suspek sa pagkidnap at pagpatay kina Anson Que at tsuper niyang si Armanie Pabillo, masasabing mabilis na rin ito.

Ito’y sa harap ng halos kawalan ng testigo sa naganap na krimen dahil parehong pinatay ang dalawang biktima.

Sa ganitong kalagayan na walang nahuli sa akto, karaniwang nagtatagal ang paghahanap sa mga salarin.

Pero iba nga ang nangyari at naging matagumpay.

PAGSUKO NG ISANG SUSPEK

Mabuti at sumuko, kung totoo, ang isa sa mga suspek, si David Tan Liao at sumunod nang nahuli sina Ricardo David at Raymart Catequista sa Palawan.

Ang natitira na lang ay ang dalawang inginunguso ni David na dalawang utak sa krimen at ang babaeng pinambingwit umano kay Que para pumunta sa Meycauayan, Bulacan na roon na umano pinaslang ang dalawa.

Kung hindi sumuko si David sa takot umano na siya’y maaaring isunod na patayin, talagang mahirap sanang ma-solb ang krimen.

Unang humingi umano ang mga kidnaper ng $20 milyon ngunit natawaran iyon ng 200 milyon sa anyo ng cryptocurrency at ipinadala ang ransom na ito sa magkakaibang halaga at magkakaibang panahon.

Ngayon naman, kung sakaling totoo ang sinasabi ni David at hindi pa nahuhuli ang mga utak ng krimen, dapat na maghanda ang gobyerno sa susunod pang katulad na krimen.

Sa paniniwala ng ating Uzi, may mga galamay ang mga nasa likod ng krimen na talagang kinatatakutan at kung sino-sino ang mga ito, ito ang dapat na tukuyin ng mga awtoridad.

Hindi kaya maaaring may sangkot na mga ex-pulis at military sa krimeng naganap?

Mismong si Interior Secretary Jonvic Remulla ang minsang nagsabi na may mga badigard o tauhang ex-pulis at militar ang mga gumagawa ng ganitong mga krimen, partikular ang mga sangkot sa POGO.

Paano kung may mga aktibo at hindi ordinaryo lang na mga pulis at sundalo?

NAKAUNIPORMENG PULIS O SUNDALO

Hindi natin alam kung kailan matutunton ang mga utak sa pag-kidnap slay kina Que.

Kailangang magtrabaho nang husto ang mga awtoridad at magandang sumama na rin ang National Bureau of Investigation sa kaso.

Sana, sa pagtutulungan ng dalawang ahensyang ito ng pamahalaan, magkaroon ng solusyon dito.

Kaugnay nito, mga Bro, biglang sumagi sa isipan ng ating UZI ang unang pagkidnap-for-ransom sa isang Malaysian Chinese student sa Taguig City.

Kung hindi siya umano nagkakamali, hanggang ngayon, wala pang nangyari sa kasong ito.

‘Yung bang === wala pang nahuhuling suspek at hanggang doon lang sa pagpatay ng mga suspek sa tsuper ng pamilya ng biktima at kasabwat sa krimen ang nasusumpungan ng mga awtoridad.

At ang nakatatakot talaga, nakauniporme umano ng pulis o sundalo ang gumawa ng pagdukot.

Paano nga kung aktibo sa serbisyo ang mga iyon at hindi nagpapanggap lang, sino ang makakapag-checkpoint at makahuhuli sa kanila, lalo na kung sangkot na mataas na opisyal?

Kahit pa naglipana ang mga checkpoint kaugnay ng halalang 2025.