Home NATIONWIDE Mabilis na pagpasa sa 2024 budget ng OVP kinondena ng ACT

Mabilis na pagpasa sa 2024 budget ng OVP kinondena ng ACT

MANILA, Philippines- Kinondena ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang mabilis na pag-apruba sa budget ng Office of the Vice President (OVP) noong Huwebes, at sinabing ginamit ang “congressional courtesy” bilang excuse upang pagtakpan umano ang kuwestiyonableng pondo.

“Kahiya-hiya ang ginawang mabilisang pagtatapos ng budget briefing ng OVP, hindi man lang nabigyan ang publiko ng panahon upang matanong ang bise president sa panakulang budget nito gayong napakalaking halaga ang winaldas ng opisina niya mula sa 2022 budget,” pahayag ni ACT Chairperson Vladimir Quetua nitong Biyernes.

Wala pang 20 minuto matapos ipresenta ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang proposed budget ng OVP, iminungkahi na ni Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos na i-terminate ang hearing bilang bahagi ng matagal nang tradisyon sa Kamara bilang paggalang kay Duterte.

Sinang-ayunan naman ng mga mambabatas ang mosyon ni Marcos, maliban sa tatlong miyembro ng Makabayan bloc.

Sa ilalim ng proposed budget para sa 2024, magkakaroon ang Department of Education at the OVP ng ₱150 million at ₱500 million na confidential funds.

“Noong 2022, nagwaldas ang OVP ng milyon-milyong halaga ng pera ng mamamayang Pilipino, paano natin mapapanegurong maayos na magagamit ng OVP ang ₱2.38 billion na kabuuang halaga ng appropriation sa ilalim ng NEP (National Expenditure Program) 2024?” tanong ni Quetua.

Sinabi ng ACT na dapat sitahin ang committee on appropriations sa hindi pagsunod sa parliamentary procedures at “deliberately covering-up” ng umano’y pananagutan ni Duterte sa paggamit ng public funds. RNT/SA