Home NATIONWIDE Mabilis na pamamahagi ng lupa at suporta sa mga magsasaka iniatas ng...

Mabilis na pamamahagi ng lupa at suporta sa mga magsasaka iniatas ng DAR chief

MANILA, Philippines – “Maging maagap tayo sa paglilingkod sa ating mga magsasaka sa pamamagitan ng pamamahagi ng lupa at pagbibigay ng kinakailangang suportang serbisyo.”

Ito ang sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella lll sa pagtatapos ng DAR 2023 yearend performance review and planning conference na ginanap sa Angeles City noong Marso 7.

Kaugnay nito ang aktibidad ay isinagawa upang matiyak na ang mga target ay natutugunan at ang mga layunun sa pag-unlad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay isinama sa mga programa at serbisyo ng DAR.

Samantala sinisikap ng DAR Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) project sa ilalim ng programa ng repormang agraryo, na masakop ang mas maraming lupaing agrikultural na pag-aari ng gobyerno para ipamahagi sa mga walang lupang magsasaka.

Sinabi ni Estrella na pangunahin sa kanyang direktiba para sa departamento ay dagdagan ang pag-iisyu ng individual certificates of landownership award (CLOAs) at pabilisin ang pagbibigay ng iba’t ibang suportang serbisyo sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).

“Ang ating Pangulo, sa simula pa lang, ay itinataguyod ang layunin ng maliliit na magsasaka. Tinitiyak namin sa inyo na ang lahat ng aming pagsisikap ay para sa kanilang pinakamahusay na interes at pagpapabuti ng sektor ng agrikultura,” ani Estrella.

Ayon sa DAR ang proyektong SPLIT ay naglalayon na hatiin ang mga kolektibong CLOA sa mas maliliit na lote ng sakahan, na nagbibigay sa mga ARB ng ganap na pagmamay-ari ng kanilang mga bahagi ng lupa.

Dagdag pa niya, dahil iginawad ang mga lupain sa pamamagitan ng Collective CLOA, sa sandaling matanggap ng mga ARB ang kanilang mga indibidwal na titulo, sasailalim sila sa RA 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act, na nagpapatawad sa lahat ng utang sa repormang agraryo, kabilang ang mga interes, mga parusa, at mga dagdag na singil na natamo ng mga ARB mula sa mga lupaing ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaan.

Sinabi ng Kalihim na dudulog ang DAR sa mga katuwang na ahensya ng gobyerno upang mapabilis ng DAR ang pagproseso ng titulo ng lupa at ang pag-iisyu nito.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagbuo ng agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs). Sa pamamagitan ng mga ARBO, idinaraan ng DAR ang iba’t-ibang mga suportang serbisyo.

Kaugnay nito inutusan niya ang mga tanggapan ng rehiyon ng DAR na hanapin ang lahat ng may hawak ng CLOA at non-CLOA kahit sa malalayong barangay, upang bisitahin sila at himukin silang maging miyembro ng ARBO.

Upang matugunan ang mga target ng departamento, inatasan ni Estrella ang bawat tanggapan ng DAR na magsagawa ng isang kontrata na nagsasaad ng kanilang mga target at kanilang pangako na tuparin ang mga gawain para sa taon.

Inatasan din ni Estrella ang kanyang mga opisyal na ipatupad ang mga batas sa repormang agraryo upang tumulong sa pakikipaglaban para sa karapatan ng mga magsasaka at pagpapabilis ng mga kasong agraryo. (Santi Celario)

Previous articleDating sundalo ginilitan sa leeg ng utol
Next articleChinese mafia na nakakukuha ng PH passport tatalupan ng BI