Home METRO Dating sundalo ginilitan sa leeg ng utol

Dating sundalo ginilitan sa leeg ng utol

Image Representation Only

CEBU CITY- Sumirit ang dugo mula sa leeg ng isang dating sundalo matapos gilitan ng sariling kapatid dahil sa agawan sa kanilang bahay nitong Huwebes sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Roberto Astillo, 65, dating sundalo habang nadakip naman ang suspek at kapatid nitong si Francisco, 59, kapwa soltero at residente ng Visayas Command (Viscom) compound, Barangay Apas, Cebu City.

Ayon kay Police Major Romeo Caacoy Jr., hepe ng Mabolo Police Station, bandang 11:00AM ng maganap ang krimen sa loob ng bahay ng magkapatid na si Astillo sa nabanggit na lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkapatid sa loob ng kanilang bahay hanggang sa kumuha ng kutsilyo ang batang Astillo.

Dito, nilaslas niya ang leeg ng kanyang kuya at hindi pa nakuntento tinarakan pa niya ito sa dibdib na naging sanhi ng agaran kamatayan.

Rumesponde naman ang mga awtoridad sa nasabing lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Sa himpilan ng pulisya, inamin ng suspek ang krimen at sinabing una siyang pinagbantaan ng kanyang kuya at inaangkin ang kanilang bahay.

Inihanda na ang kasong isasampa laban sa suspek./Mary Anne Sapico

Previous articleIsyu sa right of way malaking hamon sa MM subway project
Next articleMabilis na pamamahagi ng lupa at suporta sa mga magsasaka iniatas ng DAR chief